Paliparan sa Surigao City isinara makaraang masira dahil sa lindol

Surigao Quake6
CAAP photo

Dahil sa magnitude 6.7 na lindol ay nasira ang ilang bahagi ng Surigao City Airport pati na ang runway nito.

Sa advisory ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), tatagal ng hanggang sa March 10 ang pagsasagawa ng repair sa paliparan dahil sa mga bitak.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Surigao Del Norte Gov. Sol Matugas na putol rin ang supply ng kuryente at komunikasyon sa ilang mga bayan sa kanilang lalawigan dahil sa lindol.

May ilang mga lansangan din ang nasira na nakaka-apekto ngayon sa daloy ng transportasyon lalo na sa mga sasakyang nagmumula sa Butuan City at Davao City.

Sa ngayon ay tanging mga helicopters ng Philippine Air Force ang kanilang nagagamit para sa mabilis na pagpapadala ng tulong sa ilang mga apektadong lugar sa lalawigan.

Iniulat rin ng Philippine Coast Guard na pansamantalang isinara ang Lipata Ferry Terminal na siyang daungan ng mga RoRo vessels dahil kinakitaan ito ng ilang mga bitak.

Pansamantalang inilipat ang kanilang operasyon sa Surigao City Port.

Sa ngayon ay nangangalap pa ng mga dagdag na impormasyon ang tanggapan ni Matugas para alamin ang sitwasyon sa 20 bayan at lungsod sa kanilang lalawigan.

Ipinag-utos na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mabilis na tulong sa mga apektado ng pagyanig.

Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay nanatiling apat ang opisyal na bilang ng mga namatay sanhi ng lindol samantalang mahigit sa 100 ang mga sugatan.

Read more...