NDRRMC, nagsasagawa pa ng assessment sa epekto ng lindol sa Surigao City

Photo by: INQUIRER, Danilo V. Adorador II
Photo by: INQUIRER, Danilo V. Adorador II

Hindi pa makumpirma ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang pinsalang idinulot ng magnitude 6.7 na lindol sa Surigao City kagabi.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni NDRRMC Spokesperson Romina Marasigan na sa ngayon ay patuloy pa ang ginagawang assessment ng Provincial Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa pinangyarihan ng lindol.

Ayon aniya sa mga lokal na opisyal sa Surigao del Norte, dahil sa lakas ng pagyanig ay gumuho ang Anawan Bridge at sa kasalukuyan ay hindi madaanan ng mga motorista at mga residente.

Hindi lang rin aniya sa Surigao naramdaman ang lindol dahil umabot rin ito hanggang sa Region 7, tulad sa Cebu City, ngunit mas mahinang intensity lamang.

Nagpaalala naman si Marasigan sa publiko na manatili pa ring maingat dahil posible pa ring makaramdam ng after shocks.

Mayroon na ring mga residente na tumungo sa kapitolyo upang lumikas dahil ilang mga kabahayan ang napaulat rin aniya na nagkaroon ng bitak o nasira.

Gayunman, hindi pa maibigay ni Marasigan ang kabuuang bilang o laki ng pinsala ng lindol dahil hindi pa aniya tapos ang kanilang assessment.

Posible aniyang malaki ang naging pinsala ng lindol na ito sa mga imprastraktura dahil umabot sa Intensity 6 ang naramdaman sa Surigao City.

Maaring malaki rin ang epekto na gabi nangyari ang lindol at marami na ang mga natutulog na residente nang mangyari ito.

Umaasa naman si Marasigan na makapagbibigay na sila ng kumpirmadong datos ngayong araw pagkatapos ng kanilang assessment.

Read more...