Gamit ang isang helicopter, idinaan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagpapasuko sa mga rebelde sa pamamagitan ng pagpapakalat o pagbagsak ng nasa 12,500 na leaflets.
Ayon kay Capt. Rhyan Batchar na tagapagsalita ng 10th Infantry Division, itinapon nila ang ganito karaming leaflets gamit ang Air Force UH-1 o Huey sa himpapawid ng Davao Oriental mula Miyerkules hanggang Huwebes.
Napili aniya nila ang Davao Oriental dahil ilang mga engkwentro ang naganap dito kamakailan, at dahil karamihan sa mga sumusukong miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) ay mula sa naturang probinsya.
Namigay rin ng leaflets ang mga sundalo na nasa lupa sa mga residente sa ilang lugar.
Ayon pa kay Batchar, simula noong February 1 ay 10 komunistang rebelde na ang sumusuko sa mga otoridad.
Panawagan nila sa mga rebeldeng nais nang mag-balik loob sa pamahalaan, kausapin lamang ang pinakamalapit na makikita nilang sundalo o opisyal ng barangay dahil handa silang tumulong sa mga ito para makabalik sa normal na pamumuhay.
Pagkatapos aniya ng validation process, makakatanggap ang mga susukong rebelde ng cash assistance, livelihood assistance at karagdagan pang pera sakaling may isusuko rin silang mga armas.
Nakasaad sa leaflets ang halaga ng pera na ibibigay ng mga otoridad para sa bawat klase ng armas na isusuko ng mga rebelde, pati na ang contact number na maari nilang tawagan para dito.