Malinaw ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na nagkalagayan kaya nakalabas ng bansa nang walang kahirap-hirap ang dating pulis na si Wally Sombero kahit pa may inilabas na lookout bulletin ang Department of Justice laban dito.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Aguirre na hindi man lang siya natawagan maging ang National Bureau of Investigation (NBI) ng mga immigration officers bago napaalis si Sombero.
Nakatanggap lamang umano siya ng tawag mula sa Bureau of Immigration noong wala na sa bansa si Sombero.
“Walang tumawag sa akin, nung tumawag sa akin ang taga-BI sinabihan ako nakaalis na (si Sombero). Ang SOP dapat iyan, hindi dapat makalabas iyan nang walang clearance sa DOJ o NBI,” ani Aguirre.
Dahil dito, sinabi ni Aguirre na tiyak na may perang sangkot kaya nagawa ni Sombero na makaalis ng bansa patungong Singapore na kalaunan ay bumiyahe naman patungong Canada.
Ito rin suspetsa ni Senator Richard Gordon na chairman ng Senate Blue Ribbon Committee na nag-iimbestiga sa isyu ng suhulan sa BI.
Ayon kay Gordon, may nakarating sa kaniyang impormasyon na may nag-escort kay Sombero kaya napakadali para dito na makaalis kahit nakasailalim siya sa lookout bulletin.
Hindi rin kuntento si Gordon sa pahayag kahapon ni Immigration Chief Jaime Morente na susupendihin na ang immigration officer na nagpa-alis kay Sombero.
Ani Gordon, nais niyang humara sa senate hearing ang nasabing immigration officer para doon magpaliwanag.
Samantala, pormal nang hihilingin ni Gordon kay Senate Presidente Aquilino “Koko” Pimentel III na ma-cite for contempt si Sombero.
Ngayon araw ayon kay Gordon, gagawa na siya ng request letter kay Pimentel na siyang may kapangyarihang lumagda sa contempt order. Sa sandaling mailabas na ang contempt order, susulat naman si Gordon sa Department of Foreign Affairs (DFA) para hilingin na makansela ang pasaporte ni Sombero.
Ayon sa senador, kapag kanselado na ang passport, hindi na magagawang makabiyahe ni Sombero at magiging ilegal na ang pananatili niya sa isang bansa.