Nasakote ng Philippine National Police (PNP) ang tatlong suspek na pawang mga miyembro umano ng vigilante group na sangkot sa ibat ibang kaso ng mga EJK o extrajudicial killings.
Ihinarap ni PNP Chief Ronald dela Rosa sa media kahapon ang tatlo sa umano’y sampung miyembro ng grupo na napag-alamang mga miyembro pa ng civilian volunteer organization sa kanilang barangay.
Gayunman, umaakto umano ang mga ito bilang taga-tumba ng mga pinaghihinalaang drug addict o mga criminal sa kani-kanilang mga lugar.
Ayon kay Dela Rosa, may tatlo pang mga insidente ng pagpatay o ejk na umano’y kinasasangkutan ng mga naturang suspek.
Giit ni Dela Rosa, ang pagkakaaresto ng mga suspek na ito ang magpapatunay na mayroon talagang mga nakikisabay o nakikisakay sa war on drugs ng PNP na pumapatay ng mga drug suspects.
Tinukoy ang mga naaresto na sina Manuel Murillo alyas “Joel”, Marco Morallos alyas “Naldo”, at Alfredo Alejan alyas “Jun.”
Sila ang isinasangkot sa pagpatay sa 16-anyos na Charlie Saladaga, na natagpuang wala nang buhay at nakasilid sa sako na palutang-lutang sa baybayin ng Isla Puting Bato sa Tondo, Maynila noong January 2 ng taong kasalukuyan.