BI Chief nasabon ng husto ni Gordon dahil nakalabas ng bansa si Wally Sombero
Hindi matanggap ni Senator Richard Gordon ang paliwanag ng Bureau of Immigration (BI) kung bakit nakalabas ng bansa ang dating pulis na si Wally Sombero nang walang kahirap-hirap sa kabila ng lookout bulletin na inilabas laban dito.
Ayon kay Gordon, maliban sa lookout order, kaliwa’t kanan din ang balita sa media hinggil sa pagkakasangkot ni Sombero sa isyu ng panunuhol ng mga opisyal ng Bureau of Immigration sa online gaming tycoon na si Jack Lam.
Kung tutuusin ayon kay Gordon, dahil laman ng balita si Sombero, dapat ay naging alerto na ang mga immigration officers at hindi basta-basta hinayaang makaalis ito ng bansa ng walang kahirap-hirap.
Si Sombero ay lumabas ng bansa noong January 17, 2017 patungong Singapore at nakalipat pa sa Canada, gayong noong December 16, 2016 ay may lookout order na laban dito.
Paliwanag ni BI Commissioner Jaime Morente, Wenceslao Sombero ang nakasaad na pangalan sa pasaporte ni Sombero at hindi “Wally”.
Dagdag pa ni Morente noong panahon na lumabas ng bansa si Sombero ay hindi ito pamilyar sa mga immigration officer sa paliparan, na lalong ikinainis ni Gordon.
“Ngayon nakalabas na siya, dini-dribble tayo! Maysakit, may litrato, kumpleto sa dokumento, nako-contact ni Atty. Contacto si Mr Sombero, nagtetext,” ayon kay Gordon.
Dahil sa kabiguan pa rin ni Sombero na dumalo sa hearing, naghain ng mosyon si Senator Leila De Lima para ma-cite ito for contempt.
Gayunman, hindi muna agad dinesisyunan ni Gordon ang mosyon ni De Lima.
Sa halip, binigyang pagkakataon ni Gordon ang abogado ni Sombero na agad makakuha ng medical certificate na magpapatunay na talagang hindi maganda ang kondisyon ng kaniyang kliyente kaya hindi ito makakabiyahe agad pabalik ng Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.