Mahigit 700 pamilya nasunugan sa Malabon

Photo via Robee Ng
Photo via Robee Ng

Dalawang magkasunod na sunog ang naganap sa Metro Manila.

Unang sumiklab ang sunog sa Brgy. Catmon at Brgy. Tonsuya sa lungsod ng Malabon pasado ala-singko ng hapon.

Sa pagtaya ng Bureau of Fire Protection, humigit kumulang 250 kabahayan ang tinupok ng apoy, o mahigit 700 pamilya ang nawalan ng tirahan.

Dahil sa sikip ng mga kalsada, nahirapan ang mga bumbero na apulahin ang apoy na tumagal ng mahigit anim na oras bago maideklarang fire out.

Sinasabing sa bahay ng isang alyas ‘Junjun’ nagsimula ang sunog.

Aabot naman sa humigit-kumulang P2 milyon ang halaga ng ari-arian na tinupok ng apoy.

Pansamantalang tumutuloy sa Letre Road at mga kalapit na evacuation centers ang mga nasunugan.

Samantala, isa namang warehouse ang nasunog sa Arnaiz Avenue, Pasay City.

Pasado ala-singko rin ng hapon sumiklab ang apoy sa tatlong palapag na gusali ng Ramest Trading Company.

Ayon kay Harest Merchandani, may-ari ng building, pawang cooking supplies ang naka-imbak sa loob ng kanyang gusali.

Dalawang bumbero naman ang nasugatan sa pag-responde sa naturang sunog.

Idineklarang under control ang sunog pasado ala-dose ng madaling araw.

Inaalam pa ng Bureau of Fire Protection ang halagang tinupok ng apoy sa sunog na umabot sa ikatlong alarma.

 

 

Read more...