‘Discardable platform,’ balak itayo sa pagitan ng LRT1 at MRT3

 

INQUIRER PHOTO
INQUIRER PHOTO

Isang ‘discardable’ o temporary platform ang balak itayo habang binubuo pa ang common station sa pagitan ng LRT1 at MRT3 para maibsan naman ang hirap ng mga commuters na tatawid papunta sa magkabilang istasyon.

Ipinanukala ito ni dating public works and highways sec. at ngayo’y president at CEO ng Light Rail Manila (LRM) Ragelio Singson sa pagdinig sa Kamara kahapon kaugnay ng pagtatayo ng common station sa pagitan ng SM North at TriNoma.

Nakatakdang makumpleto ang naturang proyekto sa loob ng tatlong taon, ngunit inirereklamo ng mga mambabatas kung bakit malaki ang gagastusin ng pamahalaan para dito.

Nais sana ng mga kongresista na ang mga kumpanyang kikita sa kasunduang ito, o ang SM, Ayala at San Miguel Corp. na ang sasagot dito o kahit man lang makihati sa gastos.

Ayon kay Singson, maaring magtayo ng “discardable” temporary train station na kokonekta sa MRT3 at LRT2 sa Quezon City habang hinihintay pa na matapos ang common station na magdudugtong sa dalawang istasyon.

Aniya base sa kanilang pag-aaral, posibleng matagalan ang pagtatayo sa common station dahil sa mga isyu tulad ng budget at posible pang magkaroon ng temporary restraining order (TRO).

Dahil dito, inaral rin nila ang posibilidad ng pagtatayo ng temporary station, at gagastos ang LRM ng P250 million hanggang P280 million para dito.

Aabutin aniya ng 10 hanggang 12 buwan ang pagtatayo nito sa harap ng SM North EDSA Annex, at una na rin aniyang naglabas ang SM ng P200 million para sana sa common station noon panahon pa ng Arroyo administration, ngunit naudlot naman sa pagpasok ng mga Ayala.

Hindi aniya maaapektuhan ng nasabing temporary station ang pagtatayo ng common station, at hindi rin ipapasa sa mga pasahero ang gagastusin sa pagtatayo nito sa pamamagitan ng dagdag-pasahe.

Oras aniya na mabuo na ang common station, babaklasin na ang nasabing temporary station.

Tanging ang kapakanan lang naman aniya ng mga pasahero ng tren ang kaniyang iniisip at wala siyang pakialam sa negosyo ng mga mall.

Gayunman, nilinaw ni Singson na isa lang itong offer, pero ang pamahalaan pa rin ang bahalang magdesisyon. /

Read more...