Dating Colombian President kay Duterte: “Don’t do my mistakes in drug war”
May mensahe kay Pangulong Rodrigo Duterte ang dating presidente ng bansang Colombia na naglunsad din ng matinding laban sa ilegal na droga noong siya ay nasa pwesto.
Ayon kay dating Colombian President Cesar Gaviria, ang problema sa droga ay hindi kayang maresolba sa pamamagitan lang ng pagpatay sa mga adik.
Sa kaniyang column sa New York Times, sinabi ni Gaviria na umaasa siyang hindi mangyari kay Duterte ang pagkakamali na nagawa niya noon sa pagharap sa problema sa ilegal na droga sa Colombia.
Ani Gaviria, bagaman usapin ng national security ang problema sa droga, hindi naman ito kayang sugpuin gamit lamang ang armed forces at iba pang law enforcement agencies.
Dagdag pa ng dating presidente ng Colombia, pag-aaksaya lang ng pera ang paggamit sa mga sundalo at mga pulis para sa war on drugs at maaring makapagpalala pa sa suliranin.
Sa kaniyang karanasan, sinabi ni Gaviria na ang pagpapakulong sa mga drug users ay nakapagpapalakas pa sa ‘organized crime’.
“Throwing more soldiers and police at the drug users is not just a waste of money but also can actually make the problem worse. Locking up nonviolent offenders and drug users almost always backfires, instead strengthening organized crime,” nakasaad sa column ni Gaviria.
Inamin din ni Gaviria na ang kaniyang kamay na bakal na approach sa ilegal na droga sa Colombia mula 1990 hanggang 1994 ay walang naging epekto at nabigo siyang mawakasan ang drug production at consumption.
Payo ni Gaviria sa lahat ng lider sa mundo, lalo na aniya kay Pangulong Duterte, pinakamabuting pamamaraan para tugunan ang problema sa droga ay ayusin ang public health and safety policies ng pamahalaan.
“That is the message I would like to send to the world and, especially, to President Rodrigo Duterte of the Philippines. Trust me, I learned the hard way,” ani Gaviria.
Aniya, bagaman tungkulin ng pamahalaan na protektahan ang mamamayan at parusahan ang mga gumagawa ng krimen, maling pamamaraan aniya kung nauuwi na ang drug war sa extra judicial killings at vigilantism.
“No matter what Mr. Duterte believes, there will always be drugs and drug users in the Philippines. But it is important to put the problem in perspective: The Philippines already has a low number of regular drug users. The application of severe penalties and extrajudicial violence against drug consumers makes it almost impossible for people with drug addiction problems to find treatment,” dagdag pa ni Gaviria.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.