Tatlong ‘leftist’ cabinet members, dismayado sa suspensyon ng peace talks
Patuloy na isusulong nina Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano, Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo at National Anti-Poverty Commission lead convenor Liza Maza sa gobyerno ang pagpapatuloy ng peace talks sa National Democratic Front of the Philippines.
Ipinahayag nila ito sa kabila ng pagsuspinde ni Pangulong Rodrigo Duterte sa usapang pangkapayapaan ng gobyerno sa NDFP.
Sina Mariano, Maza at Taguiwalo ay kilalang makakaliwang myembro ng gabinete ng Administrasyong Duterte.
Sa joint statement na inilabas nila, ipinahayag nila ang pagkadismaya sa pagkasuspinde ng peace talks.
Anila, ngayon lamang nagkaroon ang gobyerno at NDFP ng iisang hangarin na tugunan ang kahirapan at ‘inequality’ na siyang ugat ng digmaan. Naging produktibo din daw ang pag-uusap ng dalawang panig sa pamamagitan ng political will ni Pangulong Duterte.
Naniniwala naman sina Mariano, Maza at Taguiwalo na ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER) ang susi sa tunay na kapayapaan at pagsugpo sa kahirapan. Sa ikatlong round ng peace talks sa Rome noong Enero, ipinresenta ng Gobyerno at ng NDFP ang kani-kanilang balangkas ng CASER, at napagkasunduan ang prinsipyo ng pamimigay ng lupa sa mga magsasaka.
Dagdag nito, inaabangan pa naman ang gobyerno at NDFP ang ikaapat na round ng peace talks na gaganapin sana sa Abril para talakayin ang mga isyu sa reporma sa lupa, national industrialization and economic growth.
Nangako naman sina Mariano, Maza at Taguiwalo na patuloy na palalakasin ang boses ng mga sibilyan sa peace process.
Nitong Pebrero, idineklara ni Duterte ang suspensyon ng peace talks sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDFP). Ito ay matapos kanselahin ng Pangulo ang unilateral ceasefire ng pamahalaan sa NPA.
Nauna na ring idineklara ng NPA ang pagbawi sa unilateral ceasefire nito sa pamahalaan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.