Wala pa ring napipiling running mate ni Vice President Jejomar Binay ang binuong search committee ng United Nationalist Alliance (UNA).
Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni Binay na patuloy pa rin ang paghahanap ng search committee ng kandidatong papasa sa kanilang criteria. Kabilang sa kanilang hinahanap ang kandidatong magtatrabaho ng mahusay at hindi matatawaran ang kakayahan.
“Ang pagkakaroon po ng search committee ay para makapili ng talagang magtatrabaho na VP, at yung kakayahan ng VP ay dapat hindi matatawaran. Yun ho ang aming hinahanap yun ang kinokonsidera ng search comittee,” sinabi ni Binay
Sa usapin ng imbestigasyon ng Senado sa kaniya at kaniyang pamilya, sinabi ni Binay na dinadagdagan na lamang nila ang kanilang panalangin para maibsan ang epekto nito sa kaniyang pamilya.
Ang mahalaga ayon sa Bise Presidente ay alam nilang pawang kasinungalingan lamang ang mga lumilitaw sa imbestigasyon at sa huli ay ang korte pa rin ang magdedesisyon kung sila ay may kasalanan o wala.
Nakalulungkot lang ayon kay Binay ang mga pahayag na “convincing” ang mga ebidensya laban sa kaniya.
“Nakakalungkot lang talaga ang pagkakasabi na convincing ang ebidensya against sa akin, eh hindi naman ho ebidensya yun panay mga alegasyon lang yun, hindi konkretong ebidensya,” dagdag pa ni Binay.
Kumpiyansa si Binay na hindi apektado ng mga kaganapan sa Senado ang pagtanggap ng publiko sa kaniya. Aniya, sa mga lalawigan, mismong ang mga tao pa ang nagsasabi sa kaniyang hindi nila pinaniniwalaan ang mga alegasyon.
Sinabi ni Binay na bahagi naman talaga ng maruming pulitika ang batuhin ka putik kung ikaw ang numero unong kalaban o katunggali./ Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.