Hindi na pinatagal sa Senado ang buhay ng mga panukalang maibalik ang parusang kamatayan sa bansa.
Sa unang pagdinig kanina ay binanggit ang isang international treaty na nagbabawal sa parusang bitay na niratipikahan ng Senado at inaprubahan ng pangulo.
Iginiit ni Senate President Pro Tempore Frank Drilon na kung ipipilit pa rin ng ilang senador ang pagbabalik ng parusa bitay ay may seryosong epekto ito sa pandaigdigang imahe at pakikipagrelasyon ng Pilipinas sa ibang bansa.
Sinabi naman ni Sen. Dick Gordon na malinaw rin sa Saligang Batas na hindi maaring magpataw ng parusang kamatayan maliban na lang kung may batas na maipapasa ang Kongreso ukol dito.
Dagdag pa ni Gordon sa ngayon ay tila naposasan na ang kongreso sa pagsusulong ng parusang bitay ng naturang kasunduan.
Sinabi rin ng mambabatas na suspindido muna ang pagdinig hanggang may malinaw na paliwanag ang Department of Justice na kanina sa pagdinig ay nagsabi na ilegal ang pagpapataw ng parusang kamatayan.