ERC officials hugas-kamay sa pagpapakamatay ng isang opisyal ng komisyon
Naging emosyonal ang ilang opisyal ng Energy Regulatory Commission o ERC sa pagdinig ng Kamara kaugnay sa pagpapakamatay ni dating ERC Director Francisco Villa Jr. noong November 9, 2016 sa pamamagitan ng pagbaril sa ulo.
Hindi napigilan ng ilang ERC officials na mapaluha dahil sa pagkakadawit sa Villa suicide, gayung wala raw silang kinalaman dito.
Sa pag-uumpisa pa lamang ng pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability at Committee on Energy ay agad na nagisa ng mga mambabatas si ERC Chairman Jose Vicente Salazar.
Matatandaang sa suicide note ni Villa, si Salazar daw ang isa sa mga nagbigay ng pressure sa kanya sa trabaho at sapilitan din umanong pina-apruba sa kanya ang mga kontra kahit walang bidding.
Naungkat din ang isyu ng Audio Visual Presentation o AVP kung saan may pamimilit daw si Salazar na aprubahan at kuning consultant si Luis Morelos na sasahod ng P50,000 kada buwan.
Ang naturang AVP ay ipalalabas umano dapat sa mga sinehan bilang bahagi ng information campaign ng ERC.
Aminado si Salazar sa mga kongresista na kaibigan niya sa Morelos, subalit iginiit niya na wala raw anomalya sa pagkakapili sa huli.
Ayon naman kay ERC Executive Director Neil Simon Silva, hindi lumahok sa naumang bidding process ang grupo ni Morelos.
Sa pagsasalita naman ni ERC Commissioner Josefina Asirit, sinabi nito na hindi alam ng mga opisyal ng kanilang ahensya ang umano’y shredding ng mga dokumento matapos ang suicide ni Villa.
Pero, nabanggit nito na tinangka raw ni Salazar na pigilan ang mga commissioners na magsagawa ng pagsisiyasat sa pagkasawi ni Villa.
Emosyonal din si Commissioner Gloria Yap-Taruc ukol sa internal probe sa trahedya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.