Sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa Metro Cebu, itinaas

By Rohanisa Abbas February 07, 2017 - 11:11 AM

Metro-Cebu-Inquirer-cebu-building
Inquirer Photo

Mula sa minimum wage na 353 piso, itinaas na sa 366 piso kada araw ang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa Metro Cebu.

Ito ay matapos aprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa Central Visayas (RTWPB-7) ang dagdag na 13 piso sa arawang sahod ng mga manggagawa.

Sa kabila nito, hindi naman nasiyahan ang ilang grupo ng mga manggagawa dahil insulto sa labor sector ito.

Tinawag ni Metuldio Belarmino, presidente ng Cebu Labor Coalition (Celac), na “biro” ang hakbang na ito ng board.

Ipinanukala ng Celac ang 50 pisong dagdag-sahod ngunit hindi ito pinagbigyan ng management sector.

Pag-uusapan naman ng RTWPB-7 kung paano at kailan iiimplementa ito, ayon kay Exequiel Sarcagua, direktor ng Department of Labor and Employment sa Central Visayas.

Maliban dito, pag-aaralan pa kung ipatutupad din ang dagdag-sahod sa iba pang lalawigang sakop ng RTWPB-7 na Bohol, Negros Oriental at Siquijor.

Samantala, inaprubahan na rin ng RTWPB-7 ang dagdag-sahod sa mga kasambahay sa Cebu City mula sa minimum na 2,000 piso sa 3,000 pisong buwanang sahod.

TAGS: Cebu City, dagdag sahod, kasambahay, Metro Cebu, pribadong sektor, RTWPB-7, Cebu City, dagdag sahod, kasambahay, Metro Cebu, pribadong sektor, RTWPB-7

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.