Nangyari ang pag-aresto sa NDFP consultant na si Ariel Arbitrario sa Toril, Davao City kahapon, ilang araw matapos bawiin ng pamahalaan ang unilateral ceasefire nito laban sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Sinita ni NDFP negotiating panel Chairman Fidel Agcaoili ang nasabing pag-aresto kay Arbitrario, na aniya’y kilala sa publiko bilang kanilang consultant sa peace talks.
Si Arbitrario rin aniya ang may hawak ng NDFP Document of Identification Number PP 97852 na may petsang August 22, 2016 na kinilala ng chief negotiator ng pamahalaan na si Labor Sec. Silvestre Bello III.
Dahil aniya dito, sakop ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) si Arbitrario kaya immune ito sa pagkaka-aresto upang magampanan ang kaniyang mga tungkulin at responsibilidad sa peace negotiations.
Iginiit rin ni Agcaoili na hindi rin dapat naaresto ang mga kasama ni Arbitrario dahil protektado rin ang mga ito ng JASIG.
Matatandaang bukod sa unilateral ceasefire, pinakansela na rin ni Pangulong Duterte ang usaping pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at ng pamahalaan.
Pinaalalahanan naman ni Agcaoili ang pamahalaan na para kilalanin ang pag-kansela nila sa peace talks, kailangan nilang magbigay ng pormal na notice of termination, alinsunod na rin sa JASIG.
Oras aniyang matanggap nila ito, magkakaroon lamang ang bisa nito 30 araw matapos nila makuha ang dokumento. / Kabie Aenlle
Excerpt: Iginiit rin ni Agcaoili na hindi rin dapat naaresto ang mga kasama ni Arbitrario dahil protektado rin ang mga ito ng JASIG.