Pagpapagamot sa China, itinanggi ni Duterte

 

Screengrab/RTVM

Pinabulaanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ulat umano ng isang kolumnista na tumungo siya sa China para magpagamot dahil sa sakit na cancer.

Pero sa halip na diretsahang patutsadahan ang nasabing kolumnista na hindi na niya pinangalanan, dinaan na lang ito ni Duterte sa biro na pumunta siya sa ospital sa China para muling magpatuli.

Gayunman, humingi naman siya ng paumanhin sa mga dumalo sa 2017 tax campaign kick-off of the Bureau of Internal Revenue (BIR) kahapon, dahil na-late siya ng pagdating.

Paliwanag ng pangulo, nagpa-check up siya sa sa kaniyang doktor na si Dr. Del Rosario mula sa Cardinal Santos Medical Center dahil may nararamdaman siyang pananakit sa kaniyang puso.

Sumailalim aniya siya sa electrocardiogram, pero ayon sa kaniyang doktor, wala namang problema sa kaniyang puso.

Sa kabila ng pahayag na ito ng pangulo, sinabi naman ni Presidential Communications Sec. Martin Andanar na ‘kwento’ lang ito ng pangulo.

Matatandaang ilang beses na ring naging isyu ang lagay ng kalusugan ni Pangulong Duterte, lalo’t ilang events na rin ang kaniyang hindi nadaluhan dahil sa masama ang kaniyang pakiramdam.

Read more...