Duterte nakatanggap ng text message mula kay Kris Aquino
Humihirit ang TV host na si Kris Aquino kay Pangulong Rodrigo Duterte na huwag nang ipakulong ang kanyang kapatid na si dating Pangulong Benigno Aquino III.
Ito ay matapos na ungkatin ng pangulo ang Mamasapano incident kung saan tahasang sinabi nito na isinubo umano ni Aquino sa kamatayan ang 44 na tauhan ng Special Action Force (SAF) nang magsagawa ng operasyon laban sa international terrorist na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan.
Sa talumpati ng pangulo sa launching ng 2017 Tax Campaign ng Bureau of Internal Revenue sa Pasay City, sinabi ng pangulo na nakiusap umano sa kanya si Kris na huwag ipakulong ang dating pangulo sa pamamagitan ng text message.
Sagot ng pangulo kay Kris, hindi naman umano siya naghahanap ng kung sino ang mali kundi hinanahap lamang niya ang katotohanan.
Tanong ng pangulo, isang araw na tumagal ang bakbakan sa bayan ng Mamasapano sa Maguindanao subalit wala kahit na isang military chopper ang lumipad para sa sweeping operation.
Kasabay nito, sinabi ng pangulo na hindi na niya itutuloy ang pagbuo ng komisyon na mag-iimbestiga sa Mamasapano incident.
Paliwanag ng pangulo, ayaw niyang magkaroon ng multiple discrepancy o hindi pagkakatugma ng resulta sa imbestigasyon lalo’t may ginagawa namang imbestigasyon ang Ombudsman.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.