Gobyerno pinayuhang huwag isara ang peace talks sa CPP-NPA
Hinimok ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate si Pangulong Rodrigo Duterte na irekonsidera ang desisyon nitong kanselahin na ang peace talks sa Communist Party of the Philippine-New People’s Army-National Democratic Front of the Philippines o CPP-NPA-NDF.
Inamin ni Zarate na nagtungo pa sa Rome para sa katatapos lamang na negosasyon bilang Vice Chairman ng House Committee on Peace, Reconciliation and Unit, na nadismaya siya sa nangyari.
Nanghihinayang din umano siya dahil bagama’t wala pang isang taon ang peace talks ng dalawang panig sa ilalim ng Duterte administration ay malaki na ang iniusad ng negosasyon.
Pero sa kabila nito, naniniwala si Zarate na kailangang magtuluy-tuloy ang pag-uusap ng gobyerno at CPP-NPA-NDF kahit walang ceasefire.
Sinabi ng mambabatas na masyadong mahalaga ang nabitin na usapin, ito ay ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms o CASER at maging ang posibilidad ng bilateral ceasefire.
Kung magiging sarado ang gobyerno sa pakikipag-usap sa mga rebeldeng komunista, nababahala si Zarate na maisasantabi rin ang oportunidad para resolbahin ang ugat ng insurgency sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.