Panukalang batas para sa mas ‘ligtas na lansangan’ inihain ni Senador Francis Escudero
Inihain sa Senado ang panukalang batas na layong magbigay ng reliable road instructions sa mga motorist, para sa kaligtasan sa kalsada at maiwasan na ang mga aksidente sa mga lansangan.
Sa Senate Bill no. 2886 o “An Act Regulating Street and Road Signs, Waiting Sheds, Speed Bumps, Sidewalks, Pavements, Streetlights and Other Similar Infrastructures ni Senator Francis Escudero, inaatasan ang Department of Public Works and Highways o DPWH na magtakda ng mga standards at hakbang para sa lahat ng imprastraktura sa lansangan gaya ng road signs, streetlights, pavement markings, waiting sheds, sidewalks at speed bumps.
Ayon kay Escudero, kailangang may regulasyon na magsusulong ng standard sa disensyo at pagtatayo ng nasabing mga road infrastructures.
Hindi lang aniya para sa kaligtasan ng motorista ang nasabing panukala kundi para mapabuti ang kondisyon ng mga lansangan sa bansa. “Kailangang maglagay ng regulasyon at magsulong ng magkakaparehong panuntunan at disenyo sa mga road signs, waiting sheds, streetlights, speed bumps at iba pang mga inprastraktura sa mga lansangan na ang layunin ay matiyak ang kaligtasan sa lansangan,” ani Escudero.
Binanggit ng senador ang report ng World Health Organization (WHO) kung saan nakasaad na nasa pitong libong Pilipino ang namamatay kada taon habang libo-libo ang nasusugatan dahil sa aksidente sa mga lansangan.
Sa nasabing bilang, 79% ay dahil sa pagkakamali ng driver, 11% ay sanhi ng depektibong sasakyan at 10% ay bunsod ng pangit na kundisyon at napabayaang kalasada.
Tinukoy din ni Escudero ang datos mula sa Department of Transportation and Communication (DOTC) na nagsasaad na tumataas ang bilang ng mga aksidente sa kalsada ng 14.6% kada taon.
Sa pagtaya, sa taong 2020 ay aabot na sa 300,000 tao ang masasawi nang dahil sa aksidente sa lansangan./ Len Montaño
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.