Epekto ng tigil-pasada, ramdam na ng mga pasahero
Maagang naramdaman ang epekto ng strike sa bahagi ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Bago pa lamang mag alas sais ng umaga, naipon na ang mga pasahero sa bahagi ng Philcoa dahil wala silang masakyan.
Sa Mandaluyong naman apektado rin ang ilang pasahero dahil maagang nagtigil-pasada ang mga jeep na biyaheng Kalentong patuingong Padre Faura sa Maynila.
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), tanging ang mga jeep na kasapi ng stop and go coalition ang magsasagawa ng strike ngayong araw.
Ang ibang transport group kasi gaya ng FEJODAP, ALTODAP, Pasang Masda, LTOP, 1-UTAK, ACTO at National Federation of Transport Cooperatives ay pumayag na makipagdayalogo muna sa pamahalaan hinggil sa ipinoprotestang phase out sa mga lumang jeep.
Samantala, naghanda naman ng 85 government vehicles, 50 motosiklo at dalawang vessels para sa isasagawang transport strike ngayong araw ng mga pampasaherong jeep na kasapi ng stop and go coalition.
Para matiyak din ang kaligtasan ng mga pasahero, mayroong ipapakalat na 4,800 na mga pulis at sundalo, kabilang na ang mga empleyado ng Department of Transportation (DOTr), LTFRB, Philippine Coast Guard (PCG), Metrpolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Muli namang ipinaalala ng DOTr sa mga lalahok sa strike na mayroong umiiral na no-strike policy alinsunod sa umiiral na Memorandum Circular ng LTFRB.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.