Nagdesisyon ang mga lokal na opisyal na isara ang isang bahagi ng Brgy. Boyo-an sa bayan ng Candijay, Bohol, matapos lumitaw ang isang sinkhole.
Tinatayang may lalim na nasa limang talampakan, at lapad na mahigit apat na talampakan ang nasabing sinkhole, na pinagkakaguluhan na ng mga residente.
Pinaniniwalaang ang pag-bukas ng isang sinkhole sa nasabing barangay ay dulot ng tuluy-tuloy na pag-ulan, dahilan para gumuho ang lupa sa ilalim nito.
Ang sinkhole ay isang malalim na uka sa ilalim ng lupa na kadalasang lumilitaw pagkatapos ng matagal o malakas na ulan o lindol.
Ayon sa mga residente, unang lumitaw ang sinkhole noong Disyembre at kasing-laki lang ito ng isang bola, ngunit lumawak na ito ng hanggang sa apat na talampakan hanggang nitong nakalipas na linggo.
Kinordonan na ng mg otoridad ang lugar upang maiwas sa disgrasya ang mga residenteng panay ang silip sa sinkhole.
Hindi naman na mapakali ang mga nasa 12 pamilyang nakatira malapit dito dahil nangangamba sila sa kanilang kaligtasan.
Ayon kay Jeryl Lacang-Fuentes ng municipal disaster risk reduction and management office, mayroon nang grupo ng mga tauhan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang bumisita sa lugar para tantyahin kung mapanganib ito sa publiko.
Sinabi aniya ng MGB na isa itong “cover collapse type” na sinkhole, o na matagal na itong naroon ngunit lumabas lang nang gumuho ang lupa sa ibabaw nito.
Ipagpapatuloy naman aniya ng MGB ang inspeksyon dio sa susunod na linggo gamit ang mas makabagong teknolohiya.
Hindi naman bababa sa 11 pamilya ang nailikas na noong nakaraang linggo sa Boyo-an Elementary School bilang pag-iingat.
Dahil rin dito sa sinkhole na ito, hindi madaanan ng mga motorista ang isang bahagi ng kalsada sa barangay.
Mananatili aniya itong sarado hangga’t maideklarang ligtas na itong madaanan muli ng mga motorista.