Upang hindi na maulit ang sinabi ng SAF 44 sa Mamasapano encounter, pinagtibay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang koordinasyon sa tuwing mayroon silang joint operations.
Ito ay sa pamamagitan ng paglagda sa Revised Joint Implementing Rules and Regulations to Executive Order 546.
Sa ilalim ng EO 546 inaatasan ang PNP na maging aktibo sa pagsuporta sa AFP sa pagsasagawa ng mga internal security operations laban sa mga rebelde at iba pang uri ng banta sa seguridad ng bansa.
Ang kasunduan ay pinirmahan nina Defense Sec. Voltaire Gazmin at Department of Interior and Local Government (DILG) Usec. Edwin Enrile sa harap nina PNP Chief Director General Ricardo Marquez at AFP Chief of Staff General Hernando Iriberri.
Nilinaw din sa EO 546 ang operational procedures ng dalawang puwersa gayundin ang kanilang mga bahagi na dapat gampanan sa Anti-Insurgency campaign.
Nakasaad din sa kautusan na ang tinatawag na PNP Quad Operation, Intelligence, Police Community Relations and Investigations ay may mandato na suportahan ang AFP triad o ang Combat Operations, Intelligence and Civil Military Operations.
Magugunita na matapos ang Mamasapano incident, nagturuan at mistulang nagsisihan ang mga opisyal ng PNP at AFP dahil hindi umano nakipag-ugnayan ang PNP sa AFP para sa pagpapatupad ng oplan exodus.
Sa panig naman ng PNP-SAF, iginiit na naging matagal ang pagbibigay ng suporta ng AFP sa mga nakubkob ng SAF commandos./ Jan Escosio