CBCP, ‘out of touch’ sa sentimiyento ng mga Katoliko- Malacañang
Binuweltahan ng Malakanyang ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP matapos itong magpalabas ng pastoral letter na mistulang nagsasabing ‘reign of terror’ ang war against drugs ng Duterte administration.
Ayon kay Presidential spokesperson Ernesto Abella, ‘out of touch’ umano ang CBCP sa mga sentimyento ng mga Katoliko, lalo na ang mga sumusuporta sa mga pagbabagong isinusulong ng pamahalan.
Ani Abella, mas mainam kung gagamitin umano ng mga obispo ang kanilang panahon sa pagbuo ng matatag na moral character sa hanay ng mga mananampalataya.
Paniwala ng opisyal ng Palasyo, ang mga pagbabago na nagsimula sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ay nagbunsod ng mas ligtas na bansa para sa mga pamilya, at mga manggagawa partikular ang mga nagta-trabaho sa gabi, na malayong-malayo aniya sa masamang ipinalulutang ng mga obispo.
Nauna nang binasa sa lahat ng misa ang pastoral letter na inisyu ni CBCP President Archbishop Socrates Villegas na kumukundena sa summary killings sa bansa.
Hinimok din ng Simbahang Katolika ang mga mananampalataya na huwag manahimik at sa halip ay magsalita laban sa mga patayan na nagaganap.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.