Una nang sinabi ni Dela Rosa na isang malaking sindikato na binubuo ng mga tiwaling pulis na nanghu-huthot ng pera sa mga dayuhang negosyante sa Central Luzon, ang nasa likod ng pagdukot at pagpatay kay Jee noong Oktubre.
Ayon kay Dela Rosa, maaring may kinalaman ang sinasabi niyang “Korean mafia” sa nasabing kidnap-slay case, pero iimbestigahan na aniya ng PNP at ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga ulat tungkol dito.
Nang tanungin naman siya kung gaano na katagal ang operasyon ng nasabing Korean gangs, inamin ni Dela Rosa na ngayon lang niya ito narinig at hindi pa siya masyadong maalam tungkol dito.
Sinabi rin ni Dela Rosa na may mga tiwaling opisyal rin ng NBI na kasabwat ang mga tiwaling pulis tulad ni SPO3 Ricky Sta. Isabel na tumatanggap ng payola mula sa mga negosyanteng Koreano tulad ng mga operators ng online gaming.
Nabanggit na rin ng isa sa mga akusado sa kidnap-slay case na si Supt. Rafael Dumlao na may isang sindikatong binubuo ng mga maimpluwensyang tao ang nagpo-protekta kay Sta. Isabel.
Marami aniya ang mga ito at mahirap kalabanin ayon kay Dumlao, ngunit iginiit ni Bato na hindi siya natatakot sa mga ito.