Kaugnayan ng ‘Korean mafia’ sa Jee kidnap-slay case, iimbestigahan ni Bato
Hinihinala ni Philippine National Police (PNP) chief Ronald “Bato” dela Rosa na mayroong isang “Korean mafia” na tumatarget sa mga mayayamang Koreanong nasa Pilipinas na may kinalaman sa pagpatay sa negosyanteng si Jee Ick Joo.
Una nang sinabi ni Dela Rosa na isang malaking sindikato na binubuo ng mga tiwaling pulis na nanghu-huthot ng pera sa mga dayuhang negosyante sa Central Luzon, ang nasa likod ng pagdukot at pagpatay kay Jee noong Oktubre.
Ayon kay Dela Rosa, maaring may kinalaman ang sinasabi niyang “Korean mafia” sa nasabing kidnap-slay case, pero iimbestigahan na aniya ng PNP at ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga ulat tungkol dito.
Nang tanungin naman siya kung gaano na katagal ang operasyon ng nasabing Korean gangs, inamin ni Dela Rosa na ngayon lang niya ito narinig at hindi pa siya masyadong maalam tungkol dito.
Sinabi rin ni Dela Rosa na may mga tiwaling opisyal rin ng NBI na kasabwat ang mga tiwaling pulis tulad ni SPO3 Ricky Sta. Isabel na tumatanggap ng payola mula sa mga negosyanteng Koreano tulad ng mga operators ng online gaming.
Nabanggit na rin ng isa sa mga akusado sa kidnap-slay case na si Supt. Rafael Dumlao na may isang sindikatong binubuo ng mga maimpluwensyang tao ang nagpo-protekta kay Sta. Isabel.
Marami aniya ang mga ito at mahirap kalabanin ayon kay Dumlao, ngunit iginiit ni Bato na hindi siya natatakot sa mga ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.