Ayon sa PSA, base sa kanilang ‘data on marriages’, sa loob ng nakalipas na sampung taon, o mula taong 2005 hanggang 2015, nasa 20.1 percent na ang ibinaba ng bilang ng mga nagpapakasal.
Ibinase ang datos sa bilang ng certificates of marriage sa Civil Registrar’s Office sa buong bansa.
Ayon sa PSA, taong 2014, nagkapagtala na sila ng 2.9 percent na pagbaba at 3.6 na pagbaba noong 2015.
Kung pagbabasehan ang datos, lumilitaw na as of 2015, nasa 1,135 na couples ang nagpapakasal bawat araw.
Sa nasabing bilang 42 percent ang nagpapakasal sa pamamagitan ng civil wedding, habang 36 percent ang idinaraos sa pamamagitan ng Roman Catholic ceremonies.
Wala namang inilahad ang PSA sa kanilang pag-aaral kung ano ang posibleng dahilan ng pagbaba ng bilang ng mga nagpapakasal.
Pero ayon sa ilang eksperto, maaring ang mahal at mahabang proseso ng annulment ang nagiging dahilan kaya marami nang magkasintahan ang natatakot na pasukin ang pagpapakasal.