Giit ni Lopez, panahon na para sa social justice, kasunod ng babala na hindi maaring magpatuloy ang isang negosyo na nakakaapekto sa mga magsasaka at mangingisda dahil hindi ito katanggap-tanggap sa kasalukuyang administrasyon.
Bukod sa pagpapasara sa 23 minahan, pinasuspinde rin ni Lopez ang limang iba pang minahan.
Apat aniya sa minahan sa Zambales ay ipasasara dahil nagmi-mina ito ng nickel sa isang functional watershed.
Lumabo naman ang tubog sa baybayin ng Homonhon sa Eastern Samar dahil sa tatlong minahan doon na nagdulot rin ng pagkasira ng watershed, habang pitong minahan naman ang ipinasara niya sa Dinagat Islands.
Maituturing aniyang isang social injustice ang ginawa sa Dinagat Islands dahil kinalbo na ng mga minahan ang bundok doon, kaya ipinasara niya ang mga ito para maka-bwelo naman ang gubat doon.
Pitong minahan naman ang ipinasara niya sa Surigao del Norte na pawang mga nagsasagawa ng oeprasyon sa watershed na ikinalabo na ng mga kalapit na katubigan.
Samantala, sinabi naman ni Lopez na maaring umapela ang mga mining oeprators kay Pangulong Duterte kaugnay ng pagpapasara o suspensyon ng kanilang negosyo.
Kahapon lang sa kaniyang talumpati, sinabi ni Duterte na nag-bilin siya kay Lopez na maging patas at legal sa pagdedesisyon.