Sto. Niño de Cebu nasa Maynila para sa isasagawang fluvial procession sa Linggo
Maagang inabangan ng mga deboto ang imahe ng Sto. Niño de Cebu sa Quirino Grandstand kaninang umaga.
Ang imahe ng Sto. Niño de Cebu ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) pasado alas 8:00 ng umaga ngayong araw, Biyernes. Idiniretso ito sa Quirino Grandstand sa Maynila at sinalubong ng mga deboto.
Ang imahe ay ihahanda para sa isasagawang fluvial procession sa Pasig River sa Linggo, Agosto 16 kaugnay sa paggunita ng ika-450 taon anibersaryo ng ‘kaplag’ o pagkakatuklas sa imahe ng Sto Niño sa Cebu noong 1565.
Bago ang prusisyon sa Linggo, magkakaroon muna ng misa sa Manila Cathedral. Dadalhin ang imahe sa Intramuros Ferry Terminal kung saan magsisimula ang fluvial procession hanggang sa Guadalupe Viejo sa Makati City.
Ayon kay Augustinian Father Harold Rentoria, mga ferry lamang ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang papayagan na makibahagi sa prusisyon hanggang sa bahagi ng Malakanyang.
Sa sandaling makalagpas na sa Malakanyang ay saka naman papayagan ang mga pribadong bangka na makilahok sa prusisyon.
Pagdating sa Guadalupe, dadalhin ang imahe sa Nuestra Señora de Gracia Parish Church sa Makati City para sa isa pang misa at saka ito ilipat sa Sto Niño de Cebu Parish sa Biñan, Laguna.
Ibabalik ang nasabing imahe sa lalawigan ng Cebu sa Martes./Ruel Perez
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.