Radio announcer, patay sa pamamaril sa North Cotabato

 

Patay ang isang blocktime radio announcer habang sugatan naman ang kaniyang anak na babae matapos siyang pagbabarilin ng dalawang suspek sa bayan ng M’lang sa North Cotabato kahapon.

Bukod sa radio announcer na kinilalang si Marlon Muyco, napatay rin ang isang pulis at kanilang informant sa kasagsagan ng manhunt laban sa mga suspek na kalaunan ay naaresto rin.

Ayon sa hepe ng M’lang police na si Supt. John Meredell Calinga, si Muyco ay host ng isang blocktime radio program na Abyan sa Kalambuan sa Banwa Sang M’lang na umeere sa dxND Radyo Bida.

Minamaneho aniya ni Muyco ang kaniyang motorsiklo habang angkas ang kaniyang anak pauwi sa Brgy. La Suerte, nang bigla silang paputukan ng mga suspek.

Tinukoy ni Calinga ang mga suspek na sina Boyet Patubo na kapatid ng barangay captain sa Dolores sa bayan ng Antipas na si Ireneo Patubo; at anak ni Ireneo na si Mark Patubo.

Hinabol ng mga pulis ang mga suspek na nanlaban pa sa kanila at nauwi sa engkwentro kung saan napatay ang isang pulis at isang police informant habang dalawang iba pa naman ang nasugatan.

Read more...