Duterte nagmatigas na hindi palayain ang mga political prisoners
Nagmatigas si Pangulong Rodrigo Duterte at nanindigan na hindi siya yuyuko sa mga demands o hiling ng Communist Party of the Philippines.
Ito ay matapos bawiin na ng New People’s Party (NPA) ang ideneklarang unilateral ceasefire dahil sa kabiguan ng pangulo na tuparin ang kanilang hiling na palayain ang mahigit sa 400 na mga political prisoners.
Sa talumpati ng pangulo sa 38th National Convention of Philippine Association of Water Districts sa Davao City ay kanyang sinabi na hindi niya pagbibigyan ang hirit na ito ng mga komunista.
Giit ng pangulo, kapag pinalaya niya ang mga political prisoners ay mistulang nagbigay na siya ng amnestiya na karaniwang ibinibigay lamang kapag nagtatagumpay ang negosasyon.
Banta pa ng pangulo sa rebeldeng grupo, huwag siyang ipitin sa sitwasyon dahil maaring hindi ito magustuhan ng militar.
Ayon sa pangulo, kapag pinagbigyan niya ang hiling ng mga komunista ay maari umano siyang patalsikin at maari rin siyang patayin at kapag nangyari ito ay higit na hindi makakabuti sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.