Duterte: Huwag kayong maniwala sa mga pari

Duterte Bishops
Inquirer file photo

Kung talagang sugo ng diyos ang mga pari ay hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ito na sagutin kung nasaan ang diyos sa mga sandaling kailangan sila ng mga Pinoy tulad na lamang ng kampanya kontra sa iligal na droga.

Sa kanyang talumpati sa 38th National Convention ng Philippine Association of Water District sa Davao City, sinabi ng pangulo na maraming mga lider ng simbahang katolika ang sangkot sa mga kalokohan.

Kanya ring sinabi na hindi dapat magpadala sa mga pananalita ng mga pari ang publiko dahil ang diyos ang siyang simula at katapusan.

Hindi rin daw totoo na may langit at impyerno dahil ang diyos lamang ang nakakaalam nito.

Sinabi pa ni Duterte na may nakita siyang isang lider ng simbahan na may malaking krus na gawa sa ginto na umano’y isang uri lamang ng pagmamayabang.

Alam naman daw ng lahat na ang Panginoong Hesus ay sa kahoy ipinako at hindi sa ginto.

Muli rin niyang binatikos si Bishop Teodoro Bacani na ayon sa kanya ay nagmamalinis bagaman alam naman sa loob ng simbahan na mayroon itong mga asawa.

Huwag na rin daw asahan na magbabago pa siya sa kanyang pananalita dahil ang importante para sa pangulo ay matupad niya ang kanyang mga pangako na maiahon sa kahirapan ang bansa sa panahon ng kanyang termino.

Read more...