Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Department of Labor and Employment (DOLE) kaugnay sa sunog sa HTI factory sa bayan ng General Trias, Cavite.
Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, iimbestigahan ng DOLE-Occupational Safety & Health Center kung may mga paglabag sa labor standards ang House Technology Industries o HTI.
Sisiyasatin din kung may mga sapat na pasilidad ang HTI para sa kaligtasan ng mga manggagawa tulad ng fire truck at rescue team lalot may lawak na anim na ektarya ang pabrika.
Tatanggap naman ng hanggang P30,000 ang bawat isa sa mga naging biktima ng sunog.
Pinag-aaralan na rin ng DOLE ang pagbibigay ng emergency employment program sa mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa nangyaring sunog sa pabrika.
Tinatayang aabot sa 15,000 ang bilang ng mga manggagawa sa nasunog na HTI factory.