Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni PAGASA Forecaster Manny Mendoza na ang nasabing bagyo na papangalanang Ineng pagpasok ng bansa ay maaring maging isang super typhoon.
Mabagal kasi ang kilos nito sa 9 kilometers kada oras at patuloy na nag-iipon ng lakas.
Sa Miyerkules o Huwebes ay inaasahang papasok ng bansa ang bagyong Ineng at posibleng Huwebes, Biyernes at Sabado ay maaring maramdaman na sa bansa ang epekto ng habagat na hahatakin ng nasabing bagyo.
Sinabi ni Mendoza na unang mararanasan ang epekto ng habagat sa bahagi ng Mindanao, Western Visayas at sunod ay sa Western Luzon.
Kung magpapatuloy naman ang bagyo sa kasalukuyang direksyon nito, ay aakyat ito pataas at didiretso sa Japan.
Isa pang bagyo na nakasunod kay Ineng ang binabantayan din ng PAGASA na maari ding lumakas habang papalapit ng bansa. Ang nasabing bagyo na susunod kay Ineng ay maari ding maging isang super typhoon.
Samantala, sinabi ni Mendoza na ang naranasang pag-ulan kagabi sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan ay dulot ng localized thunderstorm.
Umabot aniya sa isa hanggang tatlong oras ang tagal ng malakas na buhos ng ulan na naranasan kagabi./ Dona Dominguez-Cargullo