Naglabas na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng show cause order laban sa Rainbow Express bus at sa driver nito na nahuli sa isang video na nag-counterflow at nagmatigas pa bago bumalik sa kaniyang tamang lane.
Nag-viral sa Facebook ang video na ipinost ng motoristang si Kristoff Guinto kung saan makikitang hindi siya makausad dahil nakaharang sa kaniyang lane ang nasabing bus na nag-counterflow.
Makikita rin dito na masama ang tingin at dinuduro pa ng bus driver si Guinto na nakaupo lang sa loob ng kaniyang sasakyan.
Nangyari ang insidente noong January 10 sa Regalado Ave. sa Fairview, Quezon City na tumagal rin ng halos pitong minuto.
Ayon kay LTFRB board member Aileen Lizada, inatasan na nila ang mga opisyal ng Rainbow Express na pumunta sa kanilang opisina kasama ang driver bago mag-February 15 para magpaliwanag.
Sa kaniyang video, tumungo rin sa tamang lane ang bus matapos siyang makakita ng papalapit na traffic enforcer ng Quezon City.
Nang sitahin siya, iginiit pa ng bus driver na si Guinto ang mali, at narinig rin sa video na pinagmumura niya pa si Guinto habang inaambahan gamit ang isang tubo.
Ayon kay Guinto, nanindigan siya at hindi siya nagbigay daan sa bus na alam niyang mali ang ginagawa dahil kailangan nitong matutong maging maingat at sumunod sa batas trapiko.
Hindi aniya dapat kinukunsinte ang ganitong klase ng pag-uugali sa kalsada dahil maaring ikapahamak ito ng ibang tao.