Debate ng Kamara tungkol sa pagpapatupad muli ng death penalty, naudlot

 

Muling naudlot ang sana’y debate sa plenaryo tungkol sa pagpapatupad muli ng death penalty, matapos ilihis ng mga mambabatas na tutol dito ang sesyon.

Sa halip na kahapon, iniurong mamayang hapon ang sesyon para sa House Bill No. 4247 na pinagsama-samang mga panukala tungkol sa parusang bitay.

Sisimulan na sana nina Deputy Speaker Fredenil Castro at Oriental MIndoro Rep. Rey Umali ang kanilang sponsorship speeches kahapon, ngunit kalaunan ay umalis din sila matapos ilihis ng mga mambabatas na tutol dito ang sesyon.

Nauwi naman ito sa isang “gentleman’s agreement” na iuurong na lang ngayong araw ang sponsorship at debate para sa panukala.

Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman na miyembro ng minority bloc, nakumbinse nila ang mga may akda ng panukala na ipagpaliban ang sesyon dahil alam nilang aabutin sila ng hatinggabi kung itinuloy nila ito kahapon.

Marami pa aniyang iba pang isyu na dapat asikasuhin ang Kamara bago nila simulan ang pagtalakay sa mahalaga ngunit “retrogressive” na panukalang tulad ng reimposition ng death penalty.

Nais rin aniya nilang iparating sa liderato ng Kamara na hindi nilahahayaang madaliin lamang ang pagpapanumbalik sa parusang bitay sa bansa.

Read more...