Nilinaw ni Philippine National Police Spokesperson Senior Supt. Dionardo Carlos na hindi lamang sa loob ng Camp Crame magaganap ang internal cleansing ng pamunuan nito kundi sa buong bansa.
Sa isang panayam, sinabi ni Carlos na wala ni isang tiwaling pulis ang palalagpasin ng kanilang hanay upang tuluyan nang malinis ang PNP mula sa mga scalawags lalong lalo na ang may mga bad records na.
Dagdag pa ni Carlos, tututukan na rin nila ang mga bagong recruits upang hindi na makalusot ang mga hindi disiplinadong miyembro na maaaring pagmulan pa ng dagdag na problema sa mga susunod na panahon.
Una nang sinabi ni PNP chief Director Gen. Ronald Dela Rosa na magiging kasing tindi ng giyera kontra droga ang kanilang gagawing giyera kontra pulis scalawags.
Kasabay ito ng pansamantalang paghinto ng war on drugs at pagsusulong ng war on scalawags laban sa mga tiwaling pulis sa PNP.