Anggulong paninira, tinitignan ng AIDG sa kaso ng pamamaslang sa Koreanong si Jee Ick Joo
May iba pang anggulo na tinitignan ang PNP Anti-Illegal Drugs Group sa pagpaslang sa Koreanong negosyante na si Jee Ick Joo.
Ilang pulis na miyembro ng AIDG ang inaakusahan na nasa likod ng pagpaslang sa South Korean businessman kabilang na sina Supt. Rafael Dumlao, SPO4 Roy Villegas at SPO3 Ricky Sta. Isabel.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni PNP-AIDG head Sr. Supt. Bert Ferro na posibleng may iba pang motibo sa pagpaslang kay Jee at ang malalim na pinagmulan nito ay hindi lamang dahil sa iligal na droga.
Sinabi din ni Ferro na dapat hayaan ang Anti-Kidnapping Group (AKG) ang mag-imbestiga at magbigay ng development ukol sa kaso.
“Ang malalim na pinagmulan nito ay hindi purely sa illegal drugs at hayaan natin ang AKG na magbigay ng development later on kasi I don’t want to preempt” ani Ferro.
Naniniwala din si Ferro na hindi lamang ito basta basta kaso ng pangingidnap at paghingi ng pera dahil kwestiyunable na dinala pa sa kampo ang biktima at doon pinatay.
Pinaka-tinitignang anggulo ng hepe ng AIDG ay ang posibilidad na ginawa ang pamamaslang para i-discredit o siraan ang isang sikat na tao o opisyal.
“Hindi lang po ito basta kinidnap, nanghingi ng pera o anuman. Kasi saan ka naman nakakita na dadalhin mo pa sa loob ng kampo at papatayin mo. There might be other angle like to discredit somebody that might be a popular candidate for the future. Maraming kailangan isipin.” dagdag pa ni Ferro.
Kasabay nito, binanggit din ni Ferro na bubusisiin nila kung ano talaga ang kaugnayan ni SPO3 Ricky Sta. Isabel sa naturang kaso.
Si Sta. Isabel ang isa sa mga akusadong nadidiin sa kidnap-slay case ni Jee Ick Joo.
Dinukot si Jee sa kanyang bahay sa Pampanga at pinatay sa loob mismo ng Camp Crame sa Quezon City noong October 18, 2016.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.