Viral ngayon ang post sa social media ng kandidata ng Bulgaria sa nakalipas lamang na 65th Miss Universe beauty pageant sa bansa.
Ito’y dahil sa inanunsyo ni Miss Bulgaria Violina Ancheva na nais niyang ipamigay ang kanyang sinuot na evening gown sa nakalipas na beauty pageant sa isang suwerteng fan na Pinay.
Sa kanyang post, sinabi ni Ancheva na nais niyang ibigay ang kanyang two-piece navy blue gown na gawa ng American fashion designer na si Sherri Hill sa babaeng hindi magagawang makabili ng kanyang sariling damit para sa ‘prom’.
Sa interesadong matanggap ang kanyang gown, hiniling ni Ancheva na mag-send ang mga ito ng private message sa kanyang Facebook account.
Dahil sa kanyang post, binaha ng libu-libong mga mensahe ng pasasalamat at papuri ang FB account ni Miss Bulgaria dahil sa kagandahang loob na ipinakita nito sa mga Pilipino.
Kaninang hatinggabi, ilang oras lamang makalipas i-post ni Miss Bulgaria ang kanyang mensahe, umani na ito ng mahigit 13, 000 shares at 74,000 likes.