Pansamantalang nakalaya si John Michael Pio Roda, ang Canadian promoter ng international star na si Chris Brown.
Ito ang kinumpirma ng Bureau of Immigration makaraang aprubahan ng komisyon ang petition for bail nito.
Ayon kay Immigration spokesperson Atty. Elaine Tan, nakapaglagak ng piyansa ang abugado ni Roda na si Atty. Raymond Fortun noong July 24.
Nagkakahalaga 50,000 pesos ang inihaing bail bond ni Roda.
Si Roda ay matatandaang idinetine sa BI detention facility makaraang kasuhan ng Maligaya Development Corporation dahil sa kabiguan nito at ng kanyang talent na si Chris Brown na sumipot sa New Years’ Eve concert ng Iglesia ni Cristo o INC.
Napatunayan ding walang working visa at iba pang permits si Roda na makapagtrabaho sa Pilipinas.
Bilang kondisyon sa kanyang pansamantalang kalayaan, kinakailangan nitong dumalo sa pagdinig sa BI Intelligence Division sa una at ikatlong araw ng Lunes at bawat buwan./ Jong Manlapaz