Ayon sa Department of Tourism, aabot sa 600 million ang global viewership ng koronasyon na magsisimula alas 8:00 ng umaga oras sa Pilipinas.
Ang mga kandidata, pasado alas 3:00 pa lang ng madaling araw nang makalabas mula sa kanilang tinutuluyang hotel at sumakay sa tatlong bus patungong MOA arena.
Pero bago ang kanilang pagbiyahe, may mga K9 units muna na pinaakyat sa mga ginamit na bus para tiyakin ang seguridad ng mga kandidata.
Alas 3:15 ng madaling araw nang dumating sa MOA Arena ang mga kandidata.
Diretso sa backstage ang mga kandidata at sinimulan na ang preparasyon.
Samantala, maagang ring nag-ikot sa loob at labas moa ang mga tauhan ng pnp sa pangunguna ni NCRPO Dir. Oscar Albayalde at Southern Police District Dir. Tomas Apolinario.
Kuntento naman si Albayalde sa seguridad na ipinatutupad sa MOA Arena.
Nasa 300 pulis ang nakabantay sa loob ng venue at mahigit 600 naman sa labas ng venue.
Ang mga manonood naman ng koronasyon, maaga ring nagsidatingan sa venue at matiyagang pumila bago tuluyang nakapasok sa MOA.