Recordings ng pag-uusap nina Sta. Isabel at Dumlao, maaring dalhin sa closed-door session sa Senado
Maaring isalang sa executive session ang mga audio recordings ng pakikipag-usap ng isa sa mga suspek sa pagdukot at pagpatay sa Koreanong si Jee Ick Joo na si SPO3 Ricky Sta. Isabel sa kaniyang superior na si Supt Rafael Dumlao.
Ayon kay Sen. Grace Poe, ito ang maari nilang gawin sa pagdinig sa Senado upang hindi malabag ang anti-wiretapping law.
Matatandaang sinabi ng asawa ni Sta. Isabel na si Jinky na nai-record nila ang pag-uusap ng kaniyang mister at ni Dumlao na magpapatunay na ginawa lang na fall guy si Sta. Isabel.
Nagbigay na si Sta. Isabel ng kaniyang testimonya noong nakaraang linggo sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs, kung saan iginiit niya na si Dumlao, ang utak ng nasabing kidnap-slay.
Sinabi rin ni Sta. Isabel na binigyan pa siya ni Dumlao ng listahan ng mga pulis na papatayin para palabasing sila ang mga sangkot sa nasabing pagdukot sa dayuhang negosyante.
Ayon kay Poe, posibleng hindi tanggapin ng mga korte bilang ebidensya ang mga nasabing audio recordings, ngunit makapagbibigay naman ito sa kanila ng leads kaugnay ng kaso.
Makabubuti rin aniya kung pakikinggan nila ang testimonya ni Jinky, na nagsabing ilang pulis ang tumungo sa kanilang tahanan matapos ang pagpatay kay Jee, para ipa-ako kay Sta. Isabel ang krimen.
Dagdag pa ni Poe, hindi naman ito ang kauna-unahang pagkakataon na gagawin ng Senado ang executive sessions para dinggin ang mga sensitibong impormasyon na may kinalaman sa iniimbestigahan nilang kaso.
Para naman sa pinuno ng komiteng nag-iimbestiga dito na si Sen. Panfilo Lacson, pag-iisipan niya pa kung gagawin nila ang executive session dahil nga iligal ang wiretapping nang walang pahintulot ng korte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.