Susunod na Miss Universe, kokoronahan sa Pilipinas mamaya
Buong mundo ang nakatutok sa Pilipinas habang hinihintay ang nalalapit na pagbibigay ng korona sa susunod na tatanghaling Miss Universe mamaya.
Gaganapin ang pinaka-inaabangan na pageant o ang tinaguriang “most beautiful day in the universe” mamayang alas-8:00 ng umaga sa SM Mall of Asia Arena.
Matapos ang tatlong araw na preliminary interviews, swimsuit at evening gown presentation, malalaman mamaya kung sinu-sino ang magiging 12 semi-finalists na maglalaban-laban muli sa swimwear, evening gown, final question at final look segments.
Pagkatapos ng Top 12, pipiliin naman ang Top 9 na maglalaban sa evening gown competition, at dito naman manggagaling ang magiging Top 6 para sa question and answer portion.
Pipiliin mula sa anim na kandidata ang magiging Top 3 na siyang magtatagisan naman sa final look competition.
Ang mananalo ay makakatanggap ng sweldo sa buong taon at maninirahan sa isang magarang apartment sa New York City na magsisilbing tahanan niya habang ginagampanan ang pagiging Miss Universe.
Sasagutin rin ng Miss Universe Organization ang lahat ng gastusin niya, pati na ang wardrobe at styling, mga biyahe sa iba’t ibang bansa, at iba pang mga kailangang gawin ng mananalong kandidata sa buong taon niyang panunungkulan bilang tatanghaling Miss Universe.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.