Mga silid-aralan na hinati sa dalawa at sections na aabot sa mahigit walumpu. Ilan lamang ito sa patunay na ang Pamahalaan ay hindi handa sa pagpapatupad ng K to 12 program ayon kay Alliance of Concerned Teachers Partlylist Rep. Antonio Tinio.
Tinukoy ni Tinio ang Batasan Hills High School sa Quezon City na mayroong 13,128 na enrollees, may isang gusali na lahat ng classrooms ay hinati sa dalawa gamit ang plywood bilang partition.
Ayon pa kay Tinio, pinakamaraming estudyante sa Batasan Hills ang nasa Grade 7. Hinati aniya sa 84 na sections ang Grade 7; 69 sections ang Grade 8; 56 sections ang Grade 9; at 46 sections naman ang Grade 10.
“Few rooms divided into two, raising qualitiy, comfort and safety concerns for students,” Sinabi ni Tinio.
Sa monitoring ng ACT sa buong bansa, aabot sa 4,281 na eskwelahan ang walang suplay ng tubig at may 16,920 na ang may water supply projects pero hindi naipatutupad, habang mayroong 10,514 na eskwelahan ang walang suplay ng kuryente.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Louie Zabala, Presidente ng Manila Public School Teachers Association, patunay dito ang isang eskwelahan sa Tondo Maynila. Ayon kay Zabala may dalawang school buildings sa Rosauro Almario Elementary School sa Isla Puting Bato Tondo Maynila ang sampung taon na ang nakararaan ng maitayo, pero hanggang sa ngayon ay wala pang suplay ng kuryente.
Sinabi ni Zabala na bagaman sa panig nilang mga public school teachers ay sapat ang kanilang kahandaan para sa pagbubukas ng klase, ang DepEd aniya at ang Gobyerno ang kulang sa paghahanda.
Ayon kay Zabala, kulang pa rin ang mga school buildings dahil taon-taon ay nadaragdagan ang bilang ng mga estudyante.
Sa datos ng ACT, 112,942 pa ang kakulangan sa mga classrooms sa buong bansa; 57,167 ang kakulangan sa guro at 23,928,335 ang kakulangan sa textbooks at modules./ Dona Dominguez-Cargullo