Inspeksyon sa site ng MRT-LRT common station, itinakda na
Nakatakdang inspeksyunin ng House committee on Metro Manila development sa Miyerkules ang lugar kung saan pinaplanong itayo ang common station ng MRT at LRT sa north EDSA sa Quezon City.
Gagawin ito ng mambabatas upang malaman kung dapat ba nilang pigilin ang paglalabas ng pondo at himukin ang pamahalaan na ibasura na ang nalagdaang kasunduan.
Ayon kay committee chairperson Rep. Winston Castelo, kailangan muna nilang tiyakin ang “seamlessness” ng ipinapanukalang common station na magdudugtong sa Metro Rail Transit Lines 3 at Light Rail Transit Line 1, pati na ang MRT-7 sa hinaharap.
Aniya, nakadepende pa ang pagpayag nila sa convenience ng mga commuters na kailangan pang maglakad para makalipat ng tren bilang “overriding factor.”
Dito aniya nila matutukoy kung kikilalanin ba nila ang memorandum of agreement (MOA) o kung popondohan nila ito, dahil kung hindi, mawawalan ng bisa ang kasunduan.
Igigiit aniya ng Kongreso na hindi na dapat maglalakad pa nang mahaba ang mga commuters para dito lang makalipat ng tren.
Base kasi aniya sa naturang MOA, hindi lang mapapahaba ang paglalakad ng mga commuters, kundi pinalobo pa ng proyektong ito ang pondo na umabot ng P2 billion mula sa dating P700 million lang.
Kailangan rin aniya nilang busisiin ang proyekto dahil nasa 800,000 na commuters araw-araw ang gagamit ng nasabing common station.
Ayon sa kasunduang pinirmahan nitong Enero, ilalagay na ang common station sa parking lot sa pagitan ng SM North Edsa at ng TriNoma.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.