7-anyos na bata, nasagasaan ng truck ng basura sa Pasig

By Kabie Aenlle January 30, 2017 - 04:04 AM

 

PASIG CITYPatay ang 7-taong gulang na bata matapos siyang masagasaan ng truck ng basura sa Brgy. Pinagbuhatan sa Pasig City.

Kinilala ni PO2 Apolos Labrador, batang biktima na si Ryan Afable na residente ng Golden Shower Cille Centennial 2 Pinalas Road.

Ayon sa report ni Labrador, naglalaro lang si Afable kasama ang kaniyang kaibigan nang masagasaan at magulungan ito ng truck driver na nakilalang si Jerry Jumawan.

Naisugod pa sa ospital si Afable sa Pasig City General Hospital kung saan siya binigyang lunas, ngunit dahil sa mga natamong sugat, idineklara rin siyang patay bago mag-tanghali ng Linggo.

Nasa ilalim naman na ng kustodiya ng Pasig Traffic Parking Management Office sa Pasig police headquarters si Jumawan, na iginiit na aksidente lang ang nangyari.

Ani Jumawan, nasa dead-end na siya kaya kailangan niyang i-bwelta ang truck.
Nakita niya pa aniya ang bata, ngunit hindi niya napansin na pumunta pala ito sa harap ng truck kaya nang umabante siya ay nasagasaan ito.

Dagdag ni Labrador, isasailalim si Jumawan sa inquest proceedings sakaling magdesisyon ang pamilya ng bata na siya ay kasuhan.

Ayon naman sa ama ng biktima na si Ruben, naglalaro lamang ang bunso niyang anak nang mangyari ang aksidente.

Nakikipag-ugnayan naman na sa pamilya ng biktima ang IPM, na subcontractor sa Pasig City Hall na pinagtatrabahuhan ni Jumawan, para makipag-areglo.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.