Alyssa Valdez, posibleng hindi makapaglaro sa unang laban sa Thailand
Posibleng hindi makapaglaro si Alyssa Valdez sa laban ng 3BB Nakornnont kontra King-Bangkok sa Thailand League.
Ito ay dahil nabigo ang dating Ateneo de Manila University star na makakuha ng kanyang International Transfer Certificate (ITC).
Ayon sa ulat ng Tiebreaker Times, ibinunyag ng Larong Volleyball ng Pilipinas Inc., na hanggang ngayon ay hindi pa natatanggap ni Valdez ang kanyang ITC, na kailangan niya para makapaglaro sa labas ng bansa.
Kahapon, sinabi ni LVPI acting president Peter Cayco na ginagawa nila ang lahat ang makuha ang kinakailangang dokumento ni Valdez.
Paliwanag ni Cayco, kailangan nila ang passport at kontrata ni Valdez sa 3BB para maproseso ang kanyang ITC.
Pero tanging passport lamang aniya ang naibigay ni Valdez sa kanila at noong nakaraang linggo lamang naipadala ng 3BB ng kontrata ng UAAP MVP.
Sa kabila nito, sinubukan pa rin ng national sports association na madaliin ang pagproseso sa ITC ni Valdez.
Noong nakaraang January 15, tumulak na sa Thailand si Valdez para makasama sa training ng 3BB Nakornnont kung saan nakatakda ang sunod na laban kontra Bangkok Glass sa February 4.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.