TRO sa driver’s license project ng LTO ibinasura ng Court of Appeals

drivers-license-2Binaliktad ng Court of Appeals ang naging desisyon ng lower court na naglabas ng Temporary Restraining Order laban sa kontratang pinasok ng Department of Transportation at Land Transportation Office sa supplier ng mga plastic license cards.

Sa kanilang 13-page decision na isinulat ni Associate Justice Renato Francisco at inayunan naman nina Associate Justices Danton Bueser at Apolinario Bruselas, ay kanilang pinagtibay ang petition for certiorari and prohibition laban kina Manila RTC Branch 49 Judge Daniel Villanueva at sa petitioner na si Atty. Randy Bareng.

Sinabi ng Appealate Court na sakop ng R.A 8975 ang kontratang pinasok ng DOTr at LTO sa Allcard Plastics na siyang supplier para sa P336.8 Million na halaga ng mga plastic cards na driver’s license.

Nakasaad sa nasabing batas na walang kapangyarihan ang mga lower courts na maglabas ng TRO sa mga malalaking proyekto ng pamahalaan.

Noong July 6, 2015 ay naghain ng reklamo sa hukuman si Atty. Bareng sa kanyang kapasidad bilang isang ordinaryong mamamayan at tax payer kontra sa nasabing kontrata.

Noon namang October 1, 2015 ay naglabas si Judge Villanueva ng writ of preliminary injunction laban sa DOTr at LTO.

Sinundan naman ito ng paghahain ng DOTr at LTO ng petion for certiorari and prohibition kung saan ay kanilang kinuwestyon ang validity ng inilabas na desisyon ni Villanueva.

Sa kanilang desisyon, sinabi ng C.A na mas kinilingan ng mababang hukuman ang reklamo ni Atty. Bareng kung saan ay inutusan pa nito ang DOTr at LTO na maglabas ng mga patunay na mali ang laman ng inihaing petisyon ng nasabing abogado.

Ipinaliwanag ng C.A na nilabag ng desisyon ni Villanueva ang procedural rule na nagsasabing “he who alleges must have prove his case”.

Kanilang ring sinabi na ang naging simpleng alegasyon ni Atty. Bareng ay hindi maituturing na ebidensiya at hindi rin siya naglabas ng anumang patunay sa kanyang mga naging akusasyon laban sa kontratang namagitan sa DOTr, LTO at Allcard Plastics.

Sinabi rin ng C.A na nasimulan na ng Allcard Plastic ang inisyal na paglalabas ng kanilang mga plastic cards bilang pagsunod sa nilagdaang kontrata.

Ang nasabing petisyon rin umano ang naging dahilan kaya nagkaroon ng aberya sa pag-iisyu ng LTO ng mga lisensya sa mga tsuper.

Read more...