Brgy. Chairman na isinasangkot sa Jee Ick Joo slay case hindi pa suspendido ayon sa DILG
Nilinaw ng Department of Interior and Local Government na hindi pa nila pwedeng suspendihin sa kasalukuyan si Barangay 165 Caloocan City Chairman Gerardo “Ding” Santiago na siyang may-ari ng Gream Funeral Parlor.
Sa nasabing punerarya unang dinala ang mga labi ng dinukot at pinatay na Korean national na si Jee Ick Joo.
Sa isang pahayag, sinabi ng DILG na hindi pa kasama sa charge sheet si Santiago na isa ring retiradong pulis.
Magugunitang umalis nang bansa at nagpunta sa Canada si Santiago nang pumutok ang balita kaugnay sa pagpatay kay Jee na sinasabing biktima ng “tokhang for ransom” ng ilang tiwalang tauhan ng Philippine National Police.
Kahapon ay bumalik ng bansa si Santiago at kasalukuyang nasa custody ng National Bureau of Investigation (NBI).
Sinabi naman ni Santiago na nakahanda siyang linisin ang kanyang pangalan kasunod ng pagsasabing wala siyang kinalaman sa pagdukot at pagpatay sa nasabing Koreano.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.