Arestado ang limang katao sa ginawang buy bust operation ng Quezon City Police District (QCPD) Station 4 sa Blk 4 lot 9, Platinum St., Millionaires Village, Novaliches, Quezon City.
Ayon kay Supt. Mark Young, hepe ng QCPD Station 4, matagal na nilang sinusubaybayan ang grupo, partikular na ang lider nito na si Michael Dela Cruz.
Sinabi pa ni Supt. Young, noong una ay katransaksyon nila si Dela Cruz, pero nang magsagawa na ng buy bust operation, si Agosto “kiko” Cortez na umano yung nag abot ng 15 gramo ng shabu sa pulis na nagpanggap na poseur buyer.
Dito na pinasok ng mga pulis ang bahay ng mga suspek, at naaktuhan pa nila ang iba pang naaresto na nagsasagawa ng pot session sa loob ng bahay.
Kabilang sa mga naaresto sina Maribeth Albano, Melody Sudla, Bryan Ramos na nagsisilbing runner at Marvin Vitor.
Arestado rin Cortez pero nakatakas naman si Dela Cruz.
Nasabat ng mga pulis sa crime scene ang kabuuang 200 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P400,000, drug paraphernalia at gamit sa panghithit ng marijuana.
Naniniwala si Supt. Young na malaking grupo ang nahuli, dahil may nakuha silang mga dokumento o remittances paper na nagpapadala ng pera sa kanila mula sa ibang lugar para bumili ng droga.
Hawak na rin umano nila ang listahan ng mga parokyano ng grupo, habang inihahanda na nila ang mga kaso na pwedeng kaharapin ng limang suspek. / Jong Manlapaz
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.