Rafael Dumlao at Gerardo Santiago, pinasasama sa kasong isinampa sa DOJ
Naghain ng mosyon ang Philippine National Police (PNP) Anti-Kidnapping Group (AKG) sa Department of Justice na humihiling na dagdagan ang mga taong sinampahan ng kaso sa pagdukot at pagpatay sa Koreanong negosyante na si Jee Ick Joo.
Sa mosyon na inihain ni S/Supt. Rodolfo D. Castil Jr. sa ngalan ng PNP-AKG bilang hepe ng kanilang Luzon Field Unit, pinasasama niya sa mga nakasuhan sina Supt. Rafael Dumlao ng PNP Anti-Illegal Drugs Group (PNP-AIDG) at ang dating pulis na si Gerardo Gregorio Santiago na may-ari naman ng Gream Funeral Homes kung saan dinala ang bangkay ni Jee.
Pinakakasuhan rin niya si Christopher Alan V. Gruenberg na rehsitradong may-ari ng Nissan Exalta na isa sa mga ginamit na sasakyang bumuntot kay Jee.
Ginawa nilang basehan sa mosyon na ito ang pahayag ng isa pa sa mga akusado na si SPO4 Roy Villegas, ang sinumpaang salaysay ng kasambahay ni Jee, at ang affidavit ng asawa ni Jee na si Kyungjin Choi, pati na ang mga CCTV footages.
Kasama rin sa pinapaamyendahan ng PNP AKG ay ang ilang mga impormasyon, tulad ng kumpletong pangalan ng mga respondents.
Matatandaang sinampahan ng kasong kidnapping for ransom with homicide sina Villegas, SPO3 Ricky Sta. Isabel, Ramon Yalung, isang “Sir Dumlao,” “Ding,” “Jerry,” at “police.”
Ayon naman kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre, umamin na si Santiago na siya si Ding, na may-ari ng Gream Funeral Homes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.